Ang UP Manila Dramatista (UPMD), opisyal at nag-iisang organisasyong panteatro ng Unibersidad ng Pilipinas Manila (UPM), ay magpapalabas ng kauna-unahang Dramarathonline, isang spin-off ng Dramarathon na kanilang taunang season opener, sa darating na Nobyembre 13-15, 2020.
Ang Dramarathonline ay naglalayong magmarka ng paglipat mula sa tradisyunal na pagtatanghal sa entablado patungong iskrin habang pinapanatiling buhay ang mga alituntunin sa sining at teatro. Ang produksyon, na may temang ‘Anggulo’ para sa taong ito, ay magtatampok ng tatlong orihinal na one-act plays na magbibigay-diin sa kahalagahan ng pakikinig at pag-alam ng iba’t ibang panig sa isang kwento.
ON THE 30TH
Sa panulat nina Gianne Romero, Selena Dela Cruz, at Pearl Areno.
Sa direksyon ni Bea Aquino, ito ay tungkol sa kuwento ng apat na biktima ng OD30 virus, isang matinding sakit na walang lunas, ang magbabangga-bangga upang malaman kung sino ang mas karapat-dapat pang mabuhay. Ngunit hindi lang pala sila biktima ng sakit, kung hindi ng isa pang mas malaking nilalang na hindi nila inaasahan.
AMONG US
Sa panulat at direksyon nina Rennie Teodoro, at Llana Cabajar.
Limang magkakaibigan ang muling magtitipon-tipon at ang bawat isa sa kanila ay mayroong mga sikretong mabubunyag na tiyak na makapagpapabago ng kanilang buhay. Ito ay isang kwentong tungkol sa pagkakaibigan, pagbabago at pagtataksil.
KIOKO
Sa panulat nina Erika Diaz, Erica Miranda, Rhia Garcia, at Czareen Dioquino; sa direksyon nina Erika Diaz at Erica Miranda.
Paano kung sabihin sayong nandito pa rin siya? Palalampasin mo ba ang pagkakataong ito? Hatid ng KIOKO ang isang di malilimutang pagtatagpo ng mag-inang sinubok ng tadhana. Sapat na nga ba ang oras na ito para sa kanilang dalawa?
Ang Dramarathonline 2020: ANGGULO ay tatanghalin live sa isang closed Facebook group at eksklusibo lamang ang produksyon para sa mga bibili ng ticket. Nagkakahalagang 100 pesos lamang ang bawat tiket para mapanood ang lahat ng dula at maaaring mag-order gamit ang link na ito: bitly.com/AngguloTickets.
Sa pamamagitan ng produksyon na ito, minimithi ng UPMD na gamitin ang teatro bilang boses sa patuloy na pakikibaka ng mamamayang Pilipino, at mag-udyok ng pagbabago at aktibong nasyonalismo para sa bayan. Isa lamang ang produksyon na ito sa napakaraming patunay na hindi mapapatigil ng pandemya ang pag-iral at ang patuloy na pagmamahal para sa teatro. Maaaring nagkaroon man ng malaking pagbabago sa ating buhay at mga nakasanayan ngunit hinding-hindi kailanman maihihinto ang sining at ito ay magpapatuloy sa anumang paraan.