Matapos ang tatlong taon, aariba na sa ilang mga sinehan ang Quezon City International Pink Film Festival (QCIPFF) 2018 sa darating na Nobyembre 14-25.
Tumutugon ang filmfest sa ordinansang ibinaba ng Sangguniang Panglungsod ng Quezon na naglalayong protektahan ang mga karapatang pantao ng LGBTQ+ community. Sa mga pelikulang ipapalabas, tinatalakay ang iba’t ibang naratibo hinggil sa lesbians, gays, bisexuals, at transgenders. Hanggang sa ngayon, nangunguna ang Pink Filmfest sa pagsusulong ng mga adbokasiyang kapaki-pakinabang para sa kasapi ng LGBTQ+ community.
Kasabay sa pagdaraos ng film festival ang pag-alala sa ika-79 taong pagkakatatag ng Lungsod Quezon. Ginugunita rin ang ika-100 taon ng pelikulang Pilipino.
Mas pinalaki at pinalawak ang mga pelikulang lahok sa taong ito. May kabuuang 64 na mga pelikulang mula sa Pilipinas at mga bansang Estados Unidos, Brazil, Indonesia, Tonga, Espanya, Taiwan, Japan, Thailand, Syria, Turkey, at United Kingdom ang ipalalabas.
Tampok sa pinakamatagal nang film festival para sa LGBTQ+ community ang mga pelikulang ukol sa sekswalidad at kalusugan. Magsasagawa rin ng mga seminar na pangungunahan ng mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao.
Bubuksan ng dokumentaryong “50 Years of Fabulous” ni Jethro Patalinghug ang telon ng filmfest. Tinatalakay nito ang kuwento ng pinaka-unang LGBTQ+ charity organization sa buong mundo, ang Imperial Council ng San Francisco.
Mapapanood sa international lineup ang “Liquid Truth” mula sa Brazil, “Boys for Sale” ng Japan, “Mr. Gay Syria” ng Turkey, “Leitis in Waiting” ng Tonga, at “The Driver” ng Thailand.
Itinatampok ng Philippine lineup ang buhay at mga ambag ni Soxie Topacio, tanyag na direktor at dating pangulo ng Quezon City Pride Council. Ipalalabas sa filmfest ang kaniyang pelikulang “Ded na si Lolo.”
Kasama rin sa Philippine lineup ang dokumentaryong “Call Her ‘Ganda’” ni PJ Raval tungkol sa pinaslang na si Jennifer Laude. Sa kabuuan, 42 mga short films mula sa Pilipinas at sa mga nabanggit na bansa ang mapapanood sa Pink filmfest.
Mapapanood ang mga pelikulang tampok sa Pink filmfest sa Gateway Cinema Complex Cubao sa Nobyembre 19-21, University of the Philippines Cine Adarna sa Nobyembre 22-25, at Cinema Centenario sa Nobyembre 22-25.